Pagtaya sa pinsala sa Marawi, tapos na; P51.6-B na pondo kailangan para sa rehabilitasyon

by Admin | February 23, 2018 (Friday) | 4696

Natapos na ng pamahalaan ang pagtaya sa pinsala ng giyera sa Marawi City at nasa P51.6 billion ang tinatayang pondong kinakailangan para sa rehabilitasyon ng siyudad.

Umabot sa P18-B ang kabuoang pinsala sa ari-arian at opportunity lost ang iniwan nang lusubin ng Maute-ISIS group ang Islamic City noong Mayo 2017.

Ayon kay Asec. Kristoffer Purisima labing isa’t kalahating bilyong piso  na halaga ng property ang nawasak habang anim punto anim na bilyong piso naman na halaga ng economic opportunities ang nawala dahil sa Marawi siege.

Nakapaloob din sa nasabing post-conflict needs assessment ang mga apektadong lugar sa munisipalidad ng Butig, Piagapo sa Lanao del Sur.

“These amounts cover Marawi City and other affected areas in the municipality of Butig, and Piagapo in Lanao del Sur, this PCNA will also be the basis for the development and the implementation of the Marawi Comprehensive Recovery and Rehabilitation Program,” sabi ni  Assistant Secretary Purisima.

Tiniyak ng Task Force Bangon Marawi na may sapat na pondo ang pamahalaan para tustusan ang kinakailangang P51.6-B upang maibalik sa normal ang pamumuhay sa Marawi City hanggang sa mga susunod na taon.

Samantala, bagaman may mga ulat na patuloy ang ginagawang recruitment ng ISIS-influenced terrorist groups, tiniyak ng militar ang seguridad sa Marawi City.

Ayon kay Col. Romeo Brawner, malaki ang naitutulong ng patuloy na pagpapatupad ng batas militar sa buong Mindanao upang mapigilan ang mga nagpaplanong maghasik ng karahasan.

 

(Rosalie Coz/UNTV Correspondent)

Tags: , ,