Pagtatayo ng voting area sa shopping malls sa bansa, inihain sa Kamara para sa mas kombinyenteng paraan ng pagboto tuwing eleksyon

by Radyo La Verdad | January 25, 2016 (Monday) | 1516

KAMARA
Inihain sa Kamara ang House Bill 6361 o ang “Mall Voting Convenience Act of 2015” upang atasan ang COMELEC na magtayo ng mga istraktura at mekanismo upang maisagawa ang National at Local Elections liban sa barangay elections sa loob ng shopping malls.

Ayon kay Vice Chairman ng House Commitee on Metro Manila Development at Parañaque City 1st District Rep. Eric L. Olivarez, isa sa pangunahing layunin ng panukalang batas ay upang mahikayat ang mas maraming mamamayan na isagawa ang kanilang karapatang makaboto sa mas kombinyenteng paraan lalo na sa mga senior citizens na nahihirapang pumila sa at makipagsiksikan sa mga public school precincts.

“The creation of voting precincts or sites in malls would yield better attendance of the voters who will be positively affected by the appropriate progress for the electorate,” ayon kay Rep Olivarez.

Nakapaloob pa sa panukala na ang COMELEC ang tutukoy kung aling shopping malls ang gagamiting voting precincts, paglilipat ng listahan ng mga botante kung saang mall voting sites sila boboto, pagkakabit ng voting machines at devices na gagamitin ng registered voters sa pagboto.

Ang COMELEC din ang magpapatupad kung paano ang gagawin o proseso sa mga presinto sa loob ng satelite voting precincts at ang implementasyon ng ilang pang palatuntunan sa mall voting.

Nakasaad din na ang sinomang botante ay binibigyan din ng karapatang piliin na bumoto sa mall voting sites sa pamamagitan ng pagsusumite ng written notice sa Comelec o sa personal na pagsadya sa Regional, Provincial, City o Municipal Election Registrar ng COMELEC.

Samantala, Kasalukuyang nakabinbin ang House Bill 6361 sa Commitee on Suffrage at Electoral Reforms na pinangungunahan ni Capiz Second District Rep Fredenil Castro.

(Aiko Miguel / UNTV Radio Reporter)

Tags: , , ,