Pagtatayo ng temporary LRT station sa Quezon City, hindi pinaboran ng DOTr

by Radyo La Verdad | February 8, 2017 (Wednesday) | 1288


Hindi pansamantala kundi permanenteng solusyon ang kailangan upang makapagserbisyo ng maayos sa libo libong MRT at LRT commuters ayon sa Department of Transportation.

Ayon sa DOTr, tinututulan nila ang pagtatayo ng temporay LRT station dahil mas lalaki pa ang gastos sa proyekto kumpara kung hihintayin na lang maitayo ang orihinal na planong common station.

Depensa naman ng Light Rail Manila Corporation, hindi makakahadlang sa itatayong common station ang temporary station bagkus, makakatulong pa ito upang mapataas ang ridership ng LRT Line 1 ng 20 to 40 thousand commuters.

Gayunman, hindi naman manilaw kung papayagan ng LRMC na makadaan ang mga tren ng MRT Line 3 sa naturang istasyon dahil mangangailangan pa anila ito ng mga upgrade gaya ng signaling system.

Pinawi naman ni Singson ang pangamba ng mga kongresista na maipasa sa mga commuter ang gastos sa pagtatayo sa temporary station dahil kaya naman aniyang mabawi ito sa dami ng mga sasakay.

Ang naturang temporary station ay magkakahalaga ng 250 to 280 million pesos at kayang itayo sa loob ng sampu hanggang labindalawang buwan.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: ,