Pagtatayo ng plastic recycling factory sa Metro Manila at mga probinsya sa paligid ng Manila Bay, ipinanawagan sa DENR

by Radyo La Verdad | September 24, 2018 (Monday) | 3079

Tambak na basura ang makikita sa Manila Bay at iba pang dalampasigan sa bansa tuwing bumabagyo.

Ayon sa chairperson ng The Senate Committee on Environment and Natural Resources, Senator Cynthia Villar kasama ang pilipinas sa mga bansang pinakamaraming itinatapong basura sa dagat.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), mahigit labindalawang milyong kilo ng basura araw-araw ang naiipon sa Metro Manila pa lamang.

Kaya naman muling ipinanawagan ni Senator Villar sa DENR ang paglalagay ng recycling factory sa Metro Manila at mga probinsyang nasa paligid ng Manila Bay.

Aniya, tinataya nasa sampung toneladang plastic na basura ang kayang marecycle ng isang plastic recycling factory sa loob ng isang buwan.

Noong Sabado pinangunahan ng senador ang paglilinis sa Las Piñas-Parañaque Wetland Park bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Coastal Clean-up Day.

Kasama ang mga volunteers mula sa MMDA, PNP Maritime Group, Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Department of Public Works & Highways (DPWH).

 

( Benedict Samson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,