Pagtatayo ng mas maraming mga farm school, ipinanawagan ng TESDA

by Radyo La Verdad | August 26, 2022 (Friday) | 770

Nanawagan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga magsasaka, kooperatiba, at mga negosyante na magtayo ng farm schools sa kani-kanilang mga lugar.

Sa pahayag ni TESDA Deputy Director General Aniceto Bertiz III, mahalaga aniya na dumami ang mga ito upang maging produktibo at lumawak pa ang kaalaman ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mga pagsasanay ukol sa agrikultura.

Sa ilalim ng nasabing inisyatibo, kinakailangan muna na nasa lampas isang ektarya ang lupang sakahan upang makapagsagawa ng mga programang pang-agrikultural ang TESDA upang turuan ang mga magsasaka gamit ang “farmer to farmer, learning by doing” na paraan ng pagtuturo.

Ang mga gastos sa mga lalahok sa serye ng mga training sa mga farm school ay sasagutin ng TESDA sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program na kung saan ang makikinabang sa programa ay ang mga magsasaka at kanilang mga kaanak, at maging ang komunidad kung saan nakatayo ang farm school.

Samantala, umabot na sa 399 farmer field programs ang rehistrado sa TESDA na siyang nagsasagawa sa iba’t ibang mga farm school sa buong bansa.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)