Pagtatatag ng kooperatiba upang pagisahin ang mga Jeepney Operator na bumibiyahe sa isang ruta, tinutulan ng ilang Transport Group.

by Erika Endraca | July 16, 2019 (Tuesday) | 3464

MANILA, Philippines – Tinututulan ngayon ng jeepney driver at operator na kasapi ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang patakaran sa ilalim ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization program kung saan pag-iisahin na sa isang kooperatiba ang mga jeepney driver at operator na pumapasada sa isang ruta.

Ayon sa National President ng grupo na si Efren De Luna, pabor naman sila sa puv Modernization. Subalit hindi sila sang ayon sa gustong mangyari ng pamahalaan na consolidation.

“Ang nangyayari itong puv modernization pinagsasamantalahan ng nga kapitalista katulad ng tinatawag na mga kamag anak ng kongreso kamaganak ng tinatawag na mayor yan ay nagtatayo ng nga bagong korporasyon at sila na ngayon nakakakuha ng pryekto,kami ngayon na lehitimo na umaasang wag mawala hanap buhay namin ay pano yung seguridad kung nag new applicant sila” ani ACTO National President Efren De Luna.

Kasama rin sa kanilang tinututulan ang umano’y sapilitang  pagbili ng modernong jeep sa mga manufacturer na kausap na gobyerno, gayong umaabot sa 1.6 hanggang 2.4 million ang presyo ng kada unit.

Isang modernong jeep ang iprinisinta kahapon (July 15) ng grupo na gawang pinoy at nagkakahalaga lamang anila ng halos P1 M.

Subalit ayon kay De Luna,hindi pasado sa pamahalaan kahit pa nasundo naman nito ang itinakdang standards. Kasama rin sa mga nag transport strike kahapon (July 15) ang grupong piston, na matagal nang tumututol sa PUV modernization.

“Para sa amin hindi totoong modernization program kundi isang bogus,isang big business money making venture ng gobyerno kasabwat ang mga foreign car manufacturers,kasabwat ang mga bangko” ani Piston President George San Mateo.

Pero kung may ilang transport group ang tumututol,may ilan naman ang nagsimula na ring sumunod sa programa at nakapago-operate na ng modernong mga jeep.

“Walang maagrabyaro dito na parang sinasabi natin yung consolidation kung ano yung kinita ng buong ruta maghapon after deducting all deductions,expenses yung matitira ihahati equally among the affected operators” ani Pasang Masda President Obet Martin.

“Kasi consolidation na nga po magpo-form kayo ng kooperatiba ang nga operator hindi napo sila magiintindi magbabayad ng loan kasi ang katiwran ng iba matanda na,hindi na kaya magbayad ngayon ang kooperatiba na ang magbabayad” ani Taguig Transport Cooperative Chairman Freddie Hernandez.

Paliwanag ng Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB), importante ang consolidation upang maiayos ang biyahe sa isang ruta at maiiwasan na ang pagkakarerahan at pag-aagawan ng mga jeep sa mga pasahero.

Pinabulaanan din nila ang mga paratang ni De Luna na umano’y pag-obliga sa mga driver at operator na bumili ng bagong jeep sa mga manufacturer na kausap na ng gobyerno.

Mula sa mahigit P180,000 jeepney units sa bansa, ayon sa LTFRB mayroong  nasa 17,000 modernong jeep na ang nailunsad ng pamahalaan sa ibat-ibang lugar sa bansa.

Samantala sa sa June 30, 2020 na ang itinakdang deadline upang maialis sa mga kalsada ang mga luma at mauusok na pampasaherong jeep.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: ,