Umaasa ngayon ang mga residente na nakatira malapit sa open canal sa Mandaluyong sa pahayag ng contractor ng flood control project na matatapos na ito hanggang sa September 30.
Nasa dalawang taon na ring tinitiis ng ng mga residente ang masangsang na amoy na nanggagaling sa open canal tuwing bumabaha dito pagkatapos ng malakas na ulan.
Ayon kay Jocel Macawili, na isang pedicab driver sa Maysilo Circle, sa wakas aniya ay matatapos na rin ang nararanasan nilang kalbaryo sa tuwing sumasapit ang panahon ng tagulan.
Bukod sa masangsang na amoy ay karaniwan ding nagdudulot ito ng mabigat na daloy ng trapiko dahil hindi ito madaaan ng mga residente.
Ang P609M flood control project ng DPWH ay matagal ng inirereklamo ng mga residente sa Mandaluyong.
Una nang inanunsiyo ni DPWH Secretary Mark Villar ang pangako ng LR Tiqui Builders Incorporated, contractor ng naturang proyekto, na sakaling hindi ito matapos sa Sept. 30 ay maliligo ang mga ito sa open canal.
Nagikot si Villar noong nakaraang linggo nang bahain ito dahil sa malakas na pagulan bunsod ng habagat.
Ito ay upang alamin ang sitwasyon ng proyekto sa Maysilo Circle.
Tuwing tagulan, umaabot ng lagpas tuhod ang tubig baha sa paligid ng Maysilo Circle.
Kahit bahagyang pagulan ay agad ding nararanasan ang pagbaha dito.
Bagaman sana’y na ang ilang residente, mas makakabuti na rin aniyang matapos na ito sa lalong madaling panahon.
Matatandaang ilang establisimyento rin ang nagsara bunsod ng nabinbing proyekto.
(Jerico Albano / UNTV Correspondent)
Tags: flood control project ng DPWH, ikinatuwa ng mga residente, Mandaluyong