Pagtatalaga sa bakanteng posisyon sa Sandiganbayan, hindi pa lumalagpas sa 90-day period na itinakda ng konstitusyon -Malacanan

by Radyo La Verdad | May 6, 2015 (Wednesday) | 2748

ABEGAIL VALTE-02

Muling sinagot ng Malakanyang ang isyu ng matagal na paga-appoint ni Pangulong Aquino sa mga bakanteng posisyon sa pamahalaan.

Gayundin sa isyu ng posibilidad na lumalabag na ang Pangulo sa itinatakda ng konstitusyon na 90-day period upang makapag-appoint sa Sandiganbayan Justice.

Hanggang sa kasalukuyan ay bakante pa rin ang posisyong iniwan dating Justice Gregory Ong noong September 2014.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, pinipilit nila na mapunan ang mga bakanteng posisyon sa loob ng mandatory 90-day period.

At sa kasalukuyan ay hindi pa naman expired ang 90-day, at base sa record ng Office of the President,February 24, 2015 natanggap nila ang shortlist sa mga posibleng pumalit kay Ong.

Matatandaang naging isyu ang paglagpas sa 90-day period ni Pangulong Aquino bago naitalaga si Associate Justice Theresa Dolores Estoestas kapalit sa iniwang posisyon ni Sandiganbayan Preciding Justice Amparo Cabotaje-Tang.

Sa ipinadalang sulat ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Malacanan noong June 19, 2014.

February 28, 2014 nang opisyal na na-itransmit ng JBC sa Office of the President ang shortlist para sa listahan ng mga inirerekomendang papalit sa nabakanteng posisyon ni Tang, ngunit pagkalipas ng halos apat na buwan o noong June 20, 2014 lamang nalagdaan ang appointment ni Estoestas.

Naging isyu dito ang ginawang pagbabalik ng Malakanyang sa shortlist sa JBC upang muli itong i-review, na ni-reject naman ni CJ Sereno.

Ayon sa Chief Justice, sa oras na naisumite ang shortlist sa Malakanyang, ginawa na ng JBC ang kaniyang Constitutional Duty.

Pagdidepensa noon ng Malakanyang, ibinalik ang shortlist dahil naging kwestyon ang isa sa mga nominee ,dahil ito ay rekomendado ni Senator Juan Ponce Enrile na kasama sa pork case sa Sandiganbayan. (Nel Maribojoc/ UNTV News)

Tags: , , , ,