Manila, Philippines – Aapela ang grupong Stop and Go Coalition at Lawyers for Commuters Protection sa Land Transportation Office (LTO) na maglagay ng mga loading at unloading zone para sa mga uv express van.
Ito’y matapos na ipagbabawal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga uv express ang magbaba at masakay ng mga pasahero sa labas ng kanilang mga terminal.
Ayon kay Jun Magno, ang presidente ng stop and go coalition ito’y upang hindi mahirapan ang mga pasahero na apektado ng bagong regulasyon.
Bukod pa rito, hihina rin aniya ang kita ng ilang driver dahil ma-aaring maraming mga pasahero ang hindi sasakay ng uv express.
Kaugnay nito magsusumite sila ng position paper sa ltfrb ukol dito.
“Bigyan nalang nila ng selective loading and unloading parang magdesignate sila ng area sa amin para sa loading and unloading para hindi rin maabuso yung policy nila” ani Stop and Go Coalition President Junn Magno.
Ganito rin ang nais na mangyari ng grupong lawyers for commuters protection.
Ayon kay Attorney Ariel Inton Presidente ng grupo, sumulat na sila sa Department of Transportation (DOTr) upang hilingin na ikonsidera ang pagkakaroon ng “selected stop” para sa mga uv express.
“Yung mga galing ng sm fairview for instance ang trabaho nila dito sa quezon city hall pero wala namang prangkisa na sm fairview to city hall so merong cubao o makati so ibig mong sabihin dun pa sila bababa saka babalik”. ani Lawyers for Commuters Protection President, Attorney Ariel Inton
Sa pahayag na inilabas ng ltfrb, muling iginiit ng ahensya na mahigpit nilang ipatutupad sa mga uv express ang pagbiyahe ng terminal to terminal lamang.
Ayon pa kay ltfrb Chairman Martin Delgra, simula pa noong nakaraang taon ay kinonsulta na nila ang mga operator ukol dito at malinaw sa mga ito na paglabag sa kanilang prangkisa ang pagbaba at pagsasakay ng pasahero sa labas ng terminal.
Samantala, nanawagan naman ang grupong stop and go coalition na tanggalin na ang excise tax na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.
Giit ng grupo, sa halip na itaas ang pamasahe mas makakabubuti kung ang excise tax na lamang ang alisin ng gobyerno na lubhang nagpapahirap sa mga tsuper.
“Hindi dapat dagdagan ang pamasahe dapat bawasan yung taxes kasi dati naman walang excise tax nilagyan lang nila eh, may excise tax kana may vat kapa eh saan kana pupunta” ani Stop and Go Coalition President Junn Magno.
Noong nakaraang taon, naging mainit na usapin ang taas pasahe sa jeep dahil sa epekto ng dagdag buwis sa langis kasama pa ang patuloy na pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Naunang pinayagan ng ltfrb na itaas sa sampung piso ang minimum na pasahe sa jeep noong Nobyembre.
Subalit makalipas lamang ang 1 buwan ay muli itong ibinalik sa P9 dahil anila sa serye ng pagbaba ng presyo ng langis.
At sa pagtungtong ng 2019, makailang ulit muling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo, dagdag pa ang epekto ng ikalawang bugso ng train law.
Dahil dito umaangal ang mga tsuper at operator dahil sa laki ng kanilang gastos, habang patuloy pa ring hinihintay na maisapinal ng ltfrb ang panuntunan para sa adjustable fare matrix scheme.
(Joan Nano | Untv News)
Tags: DOTr, LTFRB, LTO, transport group, UV Express