Pagtatakda ng price cap ng bigas, ipatutupad na ngayong araw

by Radyo La Verdad | September 1, 2023 (Friday) | 4826

METRO MANILA – Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na magkaroon ng price cap o limitasyon sa presyo ng bigas sa buong bansa batay sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI).

Sa ilalim ng Executive Order Number 39 na ipinalabas matapos ang sectoral meeting sa Malakanyang, itinakda sa hanggang P41 kada kilo ang pinakamataas na presyo ng regular milled rice habang P45 per kilo naman sa well-milled rice.

Bunsod ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan at ng mga napapaulat na manipulasyon sa presyo at pag-iipit sa supply nito.

Ayon naman sa DTI, babantayan nila ang mga presyo ng bigas sa merkado.

Sang-ayon naman ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa hakbang na ito ng palasyo.

Mataas man anila ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado, ay sapat naman ng supply sa bansa.

Katunayan nito ay ang mga nakikitang nakaimbak sa mga ininspeksyong bodega sa Bulacan.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,