Pagtatakda ng make-up classes, ipina-uubaya na ng DepEd sa mga paaralan

by Radyo La Verdad | October 26, 2017 (Thursday) | 8233

Nagpalabas na ng kautusan ang Department of Education sa lahat ng mga paaralan sa elementary at highschool, hinggil sa pagsasagawa ng make-up classes. Bunsod ito ng ilang araw na class suspension dahil sa isasagawang ASEAN Summit sa bansa at sa dalawang araw na transport strike kamakailan.

Ayon sa DepEd, ipinauubaya na nila sa mga eskwelahan ang pagdedesisyon kung magkakaroon ang mga ito ng pasok kahit Sabado, o maari rin namang palawigin na lang nila ang oras ng pasok ng mga estudyante tuwing weekdays. Posible rin anilang dagdagan na lamang ng mga guro ang takdang aralin at proyekto ng kanilang mga estudyante upang makabawi sa mga araw na walang pasok.

Ayon pa sa DepEd, hindi dapat na mag-alala ang mga magulang at mga estudyante dahil mayroon pang 24 na araw na nakareserba sa 204-days sa school calendar upang makapag-adjust ang mga eskwelahan sa ganitong mga sitwasyon.

Sa Oranbo Elementary School sa Pasig City, sa ngayon ay hindi pa napagdedesisyunan kung magkakaroon ng make-up classes. Pero tiniyak ng principal ng paaralan na magbibigay sila ng dagdag na mga aralin sa mga estudyante na gagawin nila sa panahon na walang pasok.

Sa ngayon ay naka-sembreak na ang karamihan ng mga paaralan, at muling magre-resume ang klase pagkatapos ng undas.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,