Pagtapos sa problema sa COVID-19 & Full Economic Recovery, target ng Pamahalaan sa 2022

by Erika Endraca | April 30, 2021 (Friday) | 3454

METRO MANILA – Sa 3-year plan presentation ni National Task Force Against Covid-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez, sa taong 2022 pa inaasahang makakarecover ang bansa mula sa pandemiya.

Samantalang sa taong ito target na i-contain ang pagkalat ng COVID-19 infections sa pamamagitan ng matatag na pandemic response strategy ng bansa.

“Sa 2022 ang elimination po ng COVID-19 at tsaka mayroon na po tayong mga access para sa mga tinatawag nating boosters and also magkaroon tayo ng social healing programs to negate the stigma of COVID-19” ani NTF vs COVID-19 Chief Implementer & Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez.

Dahil sa pagkaantala sa vaccine deliveries, iniusog ng pamahalaan ang target na pagsisimula ng vaccination rollout sa general population mula buwan ng Hulyo sa Agosto.

Sa buwan ng Agosto, tinatayang 15 hanggang 20 Milyong doses ng COVID-19 vaccines ang inaasahang darating sa bansa.

“Very confident po kami na makukuha po natin na by August, magkakaroon po tayo ng general public vaccination” ani NTF vs COVID-19 Chief Implementer & Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez.

Sa kasalukuyan, 1.56 Million health workers, senior citizens at mga may health condition na ang tumanggap ng bakuna sa bansa.

4.025 Million doses na ng bakuna ang dumating sa bansa kabilang ang 525,600 ng AstraZeneca vaccines mula sa Covax facility at 3.5 Million doses ng Sinovac vaccines.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: