Pagtanggap ng drug money mula kay Kerwin Espinosa, itinanggi ni Senator Leila de Lima

by Radyo La Verdad | October 13, 2016 (Thursday) | 1428

de-lima
Mariing itinanggi ni Senator Leila de Lima na kilala nito ang suspected drug lord mula sa Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa at ito umano ay tumatanggap ng drug money gaya nang nakasaad sa kasong isinampa sa Ombudsman laban sa senadora ng Police Chief Inspector ng Albuera, Leyte na si Jove Espenido.

Sa affidavit ni Espenido, si de Lima ay tumatanggap ng payola kay Kerwin na anak ni AlbueraMayor Rolando Espinosa Sr. na kasalukuyang nakakulong dahil sa kaso sa droga.

Giit ni Albuera Police Chief Espenido, ang kanilang impormasyon laban sa senadora ay mula sa iba’t-ibang testigo at mga taong may alam sa mga galaw ni Kerwin Espinosa.

Ngunit ayon kay de Lima, ang akusasyong ito ay parte lang ng “web of lies” o mga kasinungalingang patuloy na ibinabato laban sa kanya.

Saad ng senadora, nakahanda itong pabulaanan at harapin ang lahat ng mga alegasyon laban sa kanya.

Matatandaan na unang sinampahan si Senator Leila de Lima kasama ang apat na iba pa sa DOJ, sa paglabag umano sa Section 5 in relation to Section 26 (B) ng R.A. 9165 o ang Dangerous Drugs Act of 2002.

(Meryll Lopez / UNTV Radio Correspondent)

Tags: ,