Pagtalakay sa Proposed Bangsamoro Basic Law, kapos na sa panahon; itutuloy na lamang sa susunod na Administrasyon- Sen. Marcos

by Radyo La Verdad | December 17, 2015 (Thursday) | 18745

FERDINAND-MARCOS
Tanggap ni Senador Ferdinand Marcos Junior, Chairman ng Committee on Local Government na malabo nang makalusot sa administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang Proposed Bangsamoro Basic Law.

Ito ay dahil marami pang constitutional issues na itinatanong si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile sa Proposed BBL na nasa sa second reading pa lamang ng Senado.

Ayon kay Marcos, bukod sa kapos na sa panahon ang kongreso, ang ibang mambabatas na kakandidato sa 2016 elections ay magiging abala na sa pangangampanya.

Ayon kay senador marcos ibinigay niya ang lahat ng kanyang makakaya sa substitute bill para maging maganda ito at hindi rin siya nanghihinayang dahil para ito katahimikan sa mindanao.

Ayon naman kay Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma, may maayos na koordinasyon sila sa kongreso upang mapag-usapan ang mga isyu sa Proposed BBL.

Inabisuhan rin sila ng congress leaders na sisikaping maipasa ang BBL sa pagbabalik ng sesyon ng kongreso sa Enero 2016.

Umaasa naman si Peace Process Secretary Teresita Deles na tutugon ang kongreso sa hamon at sasamantalahin ang makasaysayang hamon para sa kapakinabangan ng susunod na henerasyon.

Sa kabila nito nilinaw naman ni Senador Marcos na hindi dapat itigil ang peace process sa bansa lalo na ng susunod na administrasyon at pagpapatuloy ng solusyon sa karahasan sa Mindanao.

(Bryan de Paz/UNTV News)

Tags: , ,