Tuloy na ang pagsusumite ng 2017 proposed budget ng Administrasyong Duterte sa Lunes.
Ito ang kinumpirma sa text message ni Department of Budget Secretary Benjamin Diokno.
Aabot sa 3.3 trillion peso ang panukalang budget ng administrasyon para sa susunod na taon.
Batay sa ipinadalang schedule ng House Committee on Appropriations, sisimulan ang budget hearings sa August 22.
Sa kabila nito, ayon sa minority group posibleng makumpurmiso ang pagpapasa ng budget maging ang mga priority bill ng administrasyon kung hanggang ngayon ay hindi pa na-oorganisa at hindi pa kumpleto ang mga miyembro ng mga komite.
Hindi naman naniniwala ang chairman ng House Approriations Committee na si Representative Karlo Nograles na maapektuhan ang pagpapasa ng budget dahil lamang sa usapin ng pagkukumpleto ng komite.
Dahil isa ito anyang budget briefing na kung saan mandato ng bawat kongresista na ito ay pakinggan.
Mula nang magbukas ang 17th Congress, umabot na sa apat na put apat ang nasa listahan ng committee chairmanships ng lower house, mula sa pitumpung komite ng 16th Congress.
Bukod sa budget hearing, sa ngayon ay wala pang ibang naitatakdang mga committee hearing.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)
Tags: Pagtalakay sa 3.3 trillion peso-2017 proposed national budget, sisimulan ng Lower House sa August 22