Pagtalakay sa 2019 proposed national budget, ipagpapatuloy ng Kamara sa Martes, ika-28 ng Agosto

by Radyo La Verdad | August 23, 2018 (Thursday) | 2547

Muling ipagpapatuloy ng House Committee on Appropriations sa susunod na linggo ang pagtalakay sa 3.757 trilyong piso na panukalang pondo ng bansa sa susunod na taon.

Mahigit isang linggo ring sinuspinde ng Kamara ang budget briefing dahil sa dami ng budget cuts sa ilang ahensya ng pamahalaan.

Itutuloy na ng mababang kapulungan ng Kongreso ang budget deliberation sa Martes matapos magkasundo ang Budget Deparment at Kamara na ibalik ang mga binawas na pondo at hybrid cash based budgeting ang gamiting sistema sa susunod na taon.

Pero si House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles, ayaw muna magkomento sa napagkasunduan ng nila ng Department of Budget and Management (DBM).

Una nang sinabi ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na nagkasundo na ibabalik ang mga tinapyas na pondo sa pamamagitan ng realignment. Unang sasalang sa deliberasyon ang panukalang pondo ng Trade and Industy at Education Department.

Naka kalendaryo na rin ang pagtalakay sa panukalang pondo ng Office of the President, Office of the Vice President, Interior and Local Government at National Defense. Planong tapusin ng komite ang budget briefing ng lahat ng ahensya hanggang sa ika-5 ng Setyembre.

Samantala, nanawagan rin ang appropriations committee sa Senado na ipasa na sa lalong madaling panahon ang supplemental budget na 1.161-bilyong piso para sa mga biktima ng Dengvaxia.

Una na itong ipinasa sa Kamara at ngayon at nakabinbin sa Committee on Health sa Senado.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,