Pagtaas sa presyo ng mga bilihin dulot ng inflation, pansamantala lamang ayon sa NEDA

by Radyo La Verdad | May 8, 2018 (Tuesday) | 11759

Tuloy ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Ayon sa mga supermarket owners, halos buwan-buwan ay nagkakaroon ng paggalaw sa presyo ng mga produkto.

Dagdag pa ng mga supermarket owners, may ilang manufacturers na hanggang sa ngayon ay hindi nagtataas ng presyo; isang halimbawa ay ang kilalang brand ng powdered juice drink na ang presyo ay sampung piso lamang kumpara sa kalaban nito na parehong klase na nasa labing anim na piso.

Payo ng mga supermarket owners sa mga consumers, maging matalino sa pamimili upang makatipid sa gastusin.

Pero ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), walang dapat ipag-alala ang publiko dahil pansamantala lamang ang nararanasang mataas na presyo ng bilihin na dulot ng inflation.

Ayon kay NEDA Secretary Ernesto Pernia, inaasahan na babalik sa normal ang presyo ng mga bilihin matapos ang taong ito.

Dagdag pa ni Pernia, bagamat pansamantala lamang ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), kailangang maglunsad pa rin ang pamahalaan ng mga paraan upang matulungan ang publiko.

Kabilang dito ang pagbibigay ng sabsidiya sa mga jeepney driver at pagpapatupad ng polisiya gaya ng pag-aalis ng restriksyon sa dami ng aangkating bigas.

Pero ayon sa mga ekonomista, mas dapat bantayan ng pamahalaan ang presyo ng produktong petrolyo. Pinakamalaking factor raw sa pagtaas ng bilihin ay ang pagtaas sa presyo ng langis. Sa nakalipas na tatlong taon, naging malaki ang bentahan ng krudo sa world market.

Ayon sa isang economist na si Wilson Lee Flores, mabuti na lamang daw at kaibigan ngayon ng Pilipinas ang Russia. Mayroong matatakbuhan ang Pilipinas kung lalala ang sitwasyon sa mga oil exporting countries.

Sa Miyerkules ay magsasagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Economic Affairs upang pag-usapan kung ano ang dapat na gawing aksyon sa tumataas na presyo ng mga bilihin dulot ng TRAIN law.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,