Pagtaas sa contribution rate ng SSS ngayong taon, hiniling na ipagpaliban din 

by Radyo La Verdad | January 4, 2023 (Wednesday) | 7447

Umaasa ang Employers Confederation of the Philippines na pagbibigyan din ni Pangulong Ferdinand  Marcos Jr. ang hiling nilang suspensyon sa pagtaas ng contribution rate sa Social Security System gaya ng ginawa nito sa premium rate at income ceiling ng Philheath ngayong taon.

Ayon kay Sergio Ortiz Luis Jr., Presidente ng ECOP, malaking bagay ito sa mga manggagawang Pilipino lalo na sa sektor ng micro business na mga pangunahing apektado sa mga ganitong pagtaas ng singil sa Philhealth at SSS contribution.

“Eh, lahat yan dumadaing kaya lang yung maliliit na talagang dumadaing di namin member yung mga micro eh, 90 percent ng ating enterprises ay micro eh, 65 percent ng workers nandon sa micro sectors kaya yun eh kalahati nun nagsara nung pandemic, marami nagbabalak magbukas pero kung ganyang taasan ng taasan inflation tinataasan pa ng rates na yan eh nadi-discourage, pahayag ni Sergio Ortiz Luis Jr., ECOP, President.

Nakatakdang tumaas mula 13 percent sa 14 percent ang SSS contribution rate ngayong taon bago maging 15 percent sa 2025. Liban na kung pagkalooban ng kapangyarihan ng kongreso si Pangulong Marcos Jr. na suspendihin ang hike sa SSS monthly contributions.

Samantala, si Reyan na isang maintenance personnel, para mapagkasya ang sahod araw-araw ay humahanap na lang ng paraan upang makatipid dahil sa mahal ng bilihin ngayon.

Nagpapadala rin ito ng kahit papaano ay panggastos ng kanyang mga magulang sa probinsya.

Kaya ikinatuwa nito ang pagpapaliban sa pagtataas ng singil sa Philhealth contribution ngayong taon.

Ganito rin ang kalagayan ni Alen na isang ordinaryong mangagagawa. Masaya siya na wala munang pagtaas sa kontribusyon sa Philhealth pero mas makakatulong aniya kung sususpindehin din ang pagtaas sa iba pang singilin sa mga ordinaryong manggagawa.

Kahit ang mga nagtatrabaho sa gobyerno gaya ni Jervy at Abraham masaya rin sa suspensyon ng Philhealth contribution bagamat payag naman din sila na magtaas ng singil kung makakarecover na sa epekto ng pandemiya.

“But for me lang lalo na ngayon sa pandemya  mahirap ngayon ang mga gastusin lahat nagmamahalan ako talaga I aproved I supprt also the suspension ng ating increase sa Philhealth, ani Jervy Baklayan, government employee.

Ryan Lacanlale | UNTV News

Tags: , , ,