Pagtaas ng satisfaction rating ng administrasyong Aquino, ikinagalak ng Malacañang

by Radyo La Verdad | January 21, 2016 (Thursday) | 915

JERICO_COLOMA
Ikinatuwa ng Malacañang ang bahagyang pagtaas ng satisfaction rating ng administrasyong Aquino sa huling quarter ng 2015.

Ayon kay presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., dahil dito’y lalo pa aniyang paiigtingin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng reporma at pagpapaunlad sa pagtataguyod ng ikabubuti ng mamamayan.

Kailangan aniya ang patuloy na dedikasyon at pagsisikap upang makamit ang paginlad ng bansa.

“We are gratified by public affirmation and this prods government to intensify efforts to fully implement the reform and development programs that promote the well being of our people.” pahayag ni Coloma. “Attainment of the goal to achieve inclusive growth requires sustained dedication and perseverance.”

Tumaas sa positive 39 ang net satisfaction rating ng pamahalaang Aquino mula sa positive 37 lamang noong 3rd quarter ng 2015.

Ibig sabihin nito, nasa 61% ang nasisiyahan sa trabaho ng kasalukuyang administrasyon habang nasa 23% naman ang hindi nasisiyahan.

Nakakuha ng Good rating ang administrasyong Aquino sa pagtulong sa mga mahihirap, foreign relations, pagsusulong sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Worker at pagtatanggol sa teritoryo ng bansa.

Moderate rating naman pagdating sa pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao.

Nakakuha naman ng neutral rating sa paglaban sa terorismo, rehabilitasyon sa mga lugar na naapektuhan ng kaguluhan sa Mindanao, pgsugpo sa kriminalidad, pagtiyak na walang pamilyang nagugutom at pagsigpo sa korapsyon.

Samantala, nananatili namang bagsak sa rating ang administrasyong Aquino sa pagresolba sa Maguindanao Massacre upang makamit ang hustisya.

Isinagawa ang survey sa pagitan ng December 5 at 8 sa 1200 respondents nationwide.

(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)