Pagtaas ng presyo ng sibuyas sa palengke, dapat suriin ng Department of Agriculture – SINAG

by Radyo La Verdad | November 29, 2023 (Wednesday) | 2535

METRO MANILA – Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA) nasa P20 hanggang P30 ang itinaas ng presyo ng lokal na pulang sibuyas.

Ito ay kung pagkukumparahin ang presyo noong Oktubre at ngayong buwan sa mga pangunahing palengke sa Metro Manila.

Nasa P10-P20 naman ang ibinaba ng lokal na puting sibuyas may kaunting pababa at pagtaas ng imported white depende sa palengke.

Ayon kay Bureau of Plant Industry Director Glen Panganiban, dapat ay nasa P140 hanggang P180 lang ang presyo ng pulang sibuyas at hindi dapat umabot ng P220 per kilo gaya sa ilang palengke ngayon.

Sabi naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), mataas ang presyo ng sibuyas sa palengke kung ikukumpara sa wholesale price mula sa cold storages na nasa P80 lamang kada kilo.

Kayat dapat na aniyang umaksyon ang agriculture department at alamin sa mga retailer bakit mataas ang bentahan nila ng sibuyas.

Ayon sa DA, nasa 21,000 metric tons ng sibuyas ang pangangailangan ng bansa sa buwan ng Disyembre.

Tiniyak naman ng opisyal na hindi na aabot sa P700 kada kilo ang presyo nito na nangyari noong nakaraang taon.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,