Pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, posibleng magtuloy-tuloy hanggang Hulyo – DOE

by Radyo La Verdad | June 13, 2023 (Tuesday) | 4942

METRO MANILA – Nagpatupad ng mahigit P1 dagdag presyo ang kumpanya ng langis ngayong araw (June 13).

Sa abiso ng mga oil company, tataas ng P1.40 ang presyo ng kada litro ng Diesel. Habang P1.20 naman na dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina.

Samantala magkakaroon rin ng P1.30 rin na price hike sa Kerosene.

Ayon kay Department of Energy (DOE) Assistant Director Rodela Romero, inanunsiyo ng bansang Saudi Arabia na simula Hulyo, ipapatupad nito ang production cut na aabot sa 1M bariles kada araw.

Ibig sabihin, inaasahan ang pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, at kerosene at posibleng magtutuloy tuloy ito hanggang sa buwan ng Hulyo. Posible rin itong magresulta sa pagtaas ng antas ng mga bilihin sa bansa.

Bukod sa anunsiyong pagbawas ng produksyon ng mga exporting countries, ang patuloy na gyera sa pagitan ng bansang Russia at Ukraine ang isa sa dahilan sa pagtaas ng presyuhan sa mga produktong petrolyo.

Dagdag pa ni Romero na maliit ang pagitan ng suplay at demand ng produktong petrolyo sa world market kaya agad na naapektuhan ang presyo nito.

(Bernadette Tinoy | UNTV News)

Tags: ,