Pagtaas ng presyo ng itlog, may epekto parin sa presyo ng ilang produkto

by Radyo La Verdad | January 17, 2023 (Tuesday) | 13895

METRO MANILA – Pababa na ng pababa ng purchasing power ng mga Pilipinong mamimili dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Bukod kasi sa bigas at sibuyas, isa pa sa karaniwang kasama sa hapag kainan ng mga Pilipino ang itlog na nagmahal na rin.

At kasunod na rin nito ang price increase sa iba pang pagkain na ginagamitan ng itlog gaya ng mga tinapay at silog businesses.

Batay sa pinakahuling price monitoring ng Department of Agriculture (DA) sa ilang malalaking palengke sa Metro Manila, ang dating P5 – P6 na kada piraso ng itlog, ngayon halos P9 na ang kada piraso depende sa sukat.

Ayon kay Gregorio San Diego Chairman ng United Broilers Raisers Association (UBRA), hindi pa masasabi kung hanggang kailan mararamdaman ang mataas presyo sa itlog lalo’t  marami ang nagsara na mga nagnenegosyo ng itlog ng manok.

Sa ngayon inaalam pa ng DA kung posibleng magtuloy-tuloy hanggang sa mga susunod na buwan ang pagtaas ng presyo ng itlog dahil sa problema sa suplay.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,