Pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin, espekulasyon lang ayon sa DA

by Radyo La Verdad | June 1, 2018 (Friday) | 8471

Pinulong ng Department of Agriculture (DA) ang mga stakeholder o ang mga grupo na may kinalaman sa agrikultura dahil sa pagtaas ng presyo lalo na ng mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, lumabas sa kanilang pag-uusap na hindi naman dapat na tumaas ang mga bilihin kahit na ipinatutupad ang TRAIN law.

Nagtataka din aniya ang mga magsasaka at producers kung bakit mataas ang presyo sa palengke habang mababa lamang ang hango sa kanilang mga produkto.

Duda ni Piñol na ginagamit lamang ng mga dealer o middle men ang implementasyon ng TRAIN law para magtaas ng kanilang presyo. Wala rin aniyang kakulangan sa supply ng bigas, isda, gulay at iba pang pangunahing bilihin.

Base aniya sa kanilang kalkulasyon ay mababa pa sa 1% ang naging epekto ng TRAIN law sa mga bilihin.

Sa ngayon ay bubuo na ng technical working group ang DA upang pag-aralan ang talagang dapat na presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, isda at gulay para makapaglabas sila ng suggested retail price (SRP).

Ayon sa kalihim, maaari nang pumasok ang gobyerno kapag nagtakda sila ng SRP at parusahan ang mga lalabag dito.

Ang sinomang mapatutunayang nagsasamantala sa presyo ay maaring sampahan ng kasong profiteering at maaaring pagmultahin ng 1 libo hanggang 1 milyong piso.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,