METRO MANILA – Simula nitong Lunes, tuloy-tuloy na ang papataas na bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa kada araw.
Mula sa mahigit 800 noong December 29, lumobo sa 1,623 cases ang naitala ng DOH kahapon.
Naniniwala si Infectious Disease Expert at Vaccine Expert Panel Member Dr Rontgene Solante na ang nangyayaring hawaan ay sanhi na ng Omicron variant.
Ito’y dahil napakabilis ng pagtaas ng kaso sa pagitan lang ng 24 oras.
“The most important characteristic of an Omicron variant driven surge is the rapidity of the uptick of cases in 24 hours and if you have that uptick of 8.4% coming from a 4.+ % then I would surmise it could be an Omicron variant driven transmission” ani Infectious Disease Expert/ VEP Member Dr. Rontgene Solante.
97% ng COVID-19 cases kahapon (December 30, 2021) ay galing sa Metro Manila
Ibig sabihin, tama ang naging Projection ng Octa na aabot sa mahigit 1,000 ang kaso sa NCR. At sa buong bansa posibleng makapagtala pa ng nasa halos 2,000 kaso.
Ayon kay Dr. Solante, bagamat may naitala nang Omicron cases sa bansa, nananatili naman ang delta na dominant variant sa Pilipinas na sanhi din sa pagtaas ng kaso.
“Halo na merong Delta, merong Omicron that alone napaka- high risk ng transmission if you have Delta high transmissibility then if you have Omicron double transmissibility, napakataas ng rate ng cases natin na maitatala diyan in the coming days”ani Infectious Disease Expert/ VEP Member Dr. Rontgene Solante.
Kaya naman inirerekomenda ng Vaccine Expert Panel na lahat na ng 5-11 years old ay mabakunahan kontra COVID-19 pagpasok ng 2022.
Batay sa datos ng DOH, nasa 13.5 million ang mga batang nasa nasabing age bracket.
Pinaghahandaan na ngayon ng pamahalan at mga medical professional ang posibleng bagong surge ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Kaugnay nito, inirerekomenda ng mga eksperto na medical grade masks ang gamitin dahil sa banta ng Omicron.
Ayon sa pag-aaral ng George Washington University dapat ay 3- ply surgical mask ang gamitin kapag lumalabas.
Sa mga matataong lugar naman kailangang KN95 o N95 mask bilang proteksyon sa Omicron variant.
Mahigpit na bilin ngayon ng mga eksperto na kapag nakaranas ng kahit na anomamg sintomas dapat ay kaagad na mag- isolate at magpa- test.
Pinapayuhan din ang lahat na iwasan muna ang mga social gatherings hangga’t maaari lalo na at may banta ng mas nakahahawang Omicron variant.
(Aiko Miguel | UNTV News)