METRO MANILA – Maaaring magdulot ng virus mutation o bagong variant ng Covid-19 ang patuloy na pagtaas ng Coronavirus transmission sa bansa gaya ng mga variants na natuklasan sa ibat-ibang bahagi ng mundo.
Bagamat lumabas sa mga pag-aaral na epektibo parin ang mga naunang bakuna sa Covid-19, higit na mas nakahahawa naman ang mga bagong variant dahil sa abilidad o increased transmissibility nito.
“Ang virus po ganyan ang kanilang pamumuhay habang dunadami sila pwede po sila magkaroon ng mutation or tinatawag natin na typo errors kaya ito po ay upang sila ay mag survive at maging mas malakas so habang lumalaki po ang bilang ng mga kaso ng covid in different parts of the world nabibigyan po ng pagkakataong ang virus na magbago, ang bawat taong mahahawahan ay pagkakataon para sa sars Cov2 na muling likhain ang kaniyang sarili.” ani UP Genome Center Director of Health Program, Dr. Eva Maria Cutiongco-Dela Paz.
Isa sa binabantayan ngayon ay ang E484K o tinatawag na escape mutation ng Coronavirus na may kakayahang hindi madetect ng immune system ng isang tao.
Ayon kay dr. Eva Marie Cutiongco-Dela Paz, Executive Director ng UP Genome Center, hindi dominant sa bansa ang mga variant of concerns na ito.
Ngunit hindi parin nila inaalis ang posibilidad ng pagkakaroon ng Brazilian variant sa bansa na ayon sa pag-aaral ay mayroong 40% increased transmissibility.
“Hindi po natin maaaring i-disregard ang posibilidad na yan pero sa ngayon po sa araw na ito kase po tuloy-tuloy ang ating pag-genomic surveillance at sequence ng mga samples po ng virus galing sa samples ng mga pasyente sa different parts of the Philippines subalit sa ngayon po wala pang pumapasok na Brazil B.1 variant.” ani UP Genome Center Director of Health Program, Dr. Eva Maria Cutiongco-Dela Paz.
Sa pag-aaral ng up genome center, lineage lamang o kapamilya ng B.1 variant ang kanilang natuklasan at malayo sa actual na Brazilian variant.
Muli ring nagpaalala ang direktor sa patuloy na pagsunod ng publiko sa ipinatutupad na health protocols upang mapababa ang naitatalang kaso ng Coronavirus transmission sa bansa.
(Marvin Calas | UNTV News)
Tags: Covid-19 Variant, Virus Mutation