Pagsusuot ng face shield bukod sa face mask, hindi pa mandatory sa lahat ng lugar – Malacañang

by Erika Endraca | August 10, 2020 (Monday) | 5212

METRO MANILA – Sa mga pampublikong transportasyon lang requirement o mandatory ang pagsusuot ng face shields at face masks.

Ito ang tugon ng Malacañang matapos na kwestyunin ni Senator Imee Marcos ang bagong regulasyon ng Department Of Transportation (DOTR) na dapat magsuot ng face shields ang mga commuters at drivers sa public transportation bukod sa face mask simula August 15.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, siyensa ang batayan ng DOTR sa bagong polisiya na ito.

Subalit di naman aniya requirement pa sa lahat ang paggamit ng face shields kahit saan kung lalabas ng bahay.

“Hindi pa naman po ito requirement na isuot all the time, kahit saan. So ang basehan po ng dotr, siyensiya po, napatunayan po na mas makakatulong po na maiwasan ang paghawa sa COVID-19 kapag mayroon pong face shield sa mga pampublikong sasakyan bukod pa po sa face mask. ”ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Iginiit ni Senadora Marcos na dagdag pahirap sa mga kababayan ang mandatory face shields sa public transportation at sapat na aniya ang physical distancing at pagsusuot ng face mask.

Kung ipipilit din aniya ito ng DOTr, dapat mamigay ng libreng face shield ang pamahalaan.

Gayunman, aminado naman ang palasyo na sa ngayon, hinihikayat na lang ng Inter-Agency Task Force ang mga mamamayang magsuot na din ng face shields bilang dagdag proteksyon kontra covid-19.

“ Sa IATF po ang naaprubahan ay iyong highly recommended ang pagsusuot po ng face shields everywhere else ‘no. Pero it is within the jurisdiction of dotr to require the wearing of face shields in public transportation. ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,