Pagsusuot ng face mask, ipinayo ng DENR dahil sa polusyon sa hangin na dulot ng paputok

by Erika Endraca | January 2, 2020 (Thursday) | 17382

METRO MANILA – Kalbaryo para sa mga may respiratory disease ang epekto ng paputok at fireworks tuwing magpapalit ang taon.

Batay sa pananaliksik ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), tumataas ang pollution level sa pagitan ng alas-11 ng gabi noong  December 31 hanggang alas-2 ng madaling araw Kahapon (Jan. 1).

Sa Metro Manila, ang Mandaluyong ang may pinakamataas na lebel ng polusyon sa hangin, sinusundan ito ng Las Piñas at Pasig.

Dahil dito pinayuhan ng DENR ang publiko na magsuot ng face mask dahil inaasahan na umanong tatagal hanggang Ngayong araw (Jan. 2) ang pulusyong iniwan ng mga paputok.

“Pag bagsak niya sa lupa, kapag may dumaan na sasakyan aalikabok off course malalanghap parin ng tao yan.” ani DENR Usec. Benny Antiporda

Hihikayatin naman ng DENR ang mga establisimento o grupo na huwag nang magsagawa ng mga pyrotechnics show upang huwag nang makalikha ng polusyon.

“Would you imagine, sa maigsing panahon na pagdiriwang natin ay habang buhay na dala na po ng baga natin ito pong metals na ito.” ani DENR Usec. Benny Antiporda

Samantala, nanawagan naman ang DENR sa mga lokal na pamahalaan na ipatupad ng mahigpit ang kanilang mga ordinansa sa tamang pagtatapon ng mga basura

Ayon kay Usec. Antiporda, kung maise-segregate lang ng maayos ang mga basura, bababa sa 30% ang basurang dadalhin sa mga landfill.

Panahon rin aniya upang amyendahan ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 upang mas maging epektibo ito.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,