Dismayado si Supreme Court Associate Justice Diosdado Peralta nang malaman sa impeachment committee na hindi pala nagsumite ng kumpletong Statement of Assests Liabilities and Net Worth o SALN si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno nang nag-apply ito sa naturang posisyon noong 2012.
Si Peralta ay tumayong miyembro noon ng Judicial And Bar Council En Banc na siyang nag-apruba sa shortlist para sa susunod na chief justice.
Aniya, hindi ipinaalam sa kanya noon na tanging si Sereno ang hindi nagsumite ng kumpletong SALN sa 6 na SC justices na kasama sa listahan.
Hindi rin napigilan ni Associate Justice Teresita de Castro na maglabas ng sama ng loob dahil matapos ang mahigit limang taon, ngayon lang nila nalaman ang pangyayaring ito. Si de Castro ay isa rin noon sa mga senior associate na kasama sa nasabing short list.
Ayon kay JBC Executive Officer Atty. Annaliza Capacite, tatlo lang sa 10 SALN requirement ang isinumite noon ni Sereno.
Depensa naman ng kampo ni CJ Sereno, malinaw na naghuhugas kamay lang si Justice Peralta sa isyu.
Ngunit para sa ilang kongresista, ngayon pa lang ay maaari nang sabihin na walang bisa ang pagkakatalaga kay Sereno bilang chief justice dahil sa hindi nito pagsunod sa mga dapat sana ay panuntunan sa pagiging punong mahistrado ng Korte Suprema.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: CJ Sereno, Korte Suprema, SALN