Pagsusulong ng makabuluhang pagbabago, hindi matitigil sa kabila ng mas mataas na trust rating ni Pangulong Duterte – Malacañang

by Radyo La Verdad | October 29, 2018 (Monday) | 9639

Pinagmumulan ng inspirasyon ng Duterte administration ang huling ulat ng Social Weather Stations (SWS) na pagtaas ng net trust rating ng publiko kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa 3rd Quarter National Survey ng SWS, pumalo sa 62 percent ang net trust rating ng punong ehekutibo nitong Setyembre, limang puntos na mas mataas ito sa June 2018 survey.

Batay sa ulat, 74 percent sa 1,500 respondents ang nagpahayag na malaki ang pagtitiwala nila sa Pangulo, 12 porsyento naman ang nagsasabing maliit lang ang tiwala nila samantalang 14 porsyento ang hindi makapagdesisyon.

Ikinatuwa ng Malacañang ang patuloy na pagtitiwala ng publiko kay Pangulong Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang ulat na ito ay panibagong inspirasyon upang ipagpatuloy na maisagawa ang pangako ng punong ehekutibo na makabuluhan at tunay na pagbabago para sa pamahalaan at sa bansa.

Hindi naman aniya dahilan ang anomang ratings o survey upang makampante ang Duterte administration.

Bagkus, pagsisikapan pa nitong maisulong ang mas epektibong pamamalakad sa pamahalaan alang-alang sa pangangailangan ng mga mamamayan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,