Nakatakdang buksan ng Senado at ng Mababang Kapulungan ang ikatlo at huling sesyon ng ika-16 na Kongreso na may layuning maisulong ang iba’t ibang panukala partikular sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan, pagunlad ng ekonomiya at mga programang mag-aangat sa kabuhayan ng ating mga kababayan.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, mananatili pa ring prayoridad ng dalawang kapulungan ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law na may layuning amyendahan ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Law at tapusin na ang ilang dekadang kaguluhan sa Mindanao.
ilan rin sa mga panukala na isusulong ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang Public-Private Partnership Act at ang pag-amyenda sa Acquisition of Right-of-Way Act para mapabilis ang pagpapatupad ng mga government infrastructure project at mahikayat ang pribadong sektor na lumahok sa mga naturang proyekto.
Dagdag pa ni Drilon, isusulong rin nila ang pagpasa sa Customs and Tariff Modernization Act at ang Tax Incentives Monitoring and Transparency Act para matiyak ang paglago ng komersiyo at kalakan na siyang mag-aakit sa mga foreign investor na mamuhunan sa bansa.
Plano rin ng Kongreso na isabatas ang ilang panukala para sa pagreporma ng ilang ahensya ng gobyerno gaya ng PAGASA Modernization Act, at ang pagtatatag ng hiwalay na Department of Information and Communications Technology na may layong paunlarin ang Information and Communication Technology (ICT) sector.
Bukod sa mga nabanggit na panukala, nais din isulong ng mga mambabatas ang Student Financial Assistance System for Tertiary Education Act na magbibigay daan para sa mas malawak na scholarship program at student loan para sa mga estudyante sa kolehiyo at pamantasan.