Pagsuporta sa Recovery and Wellness Program para drug surrenderers, ipinanawagan ng mga pulis sa pamamagitan ng 1st Chief PNP Run

by Radyo La Verdad | March 12, 2018 (Monday) | 5644


Mahigit sampung libong pulis, myembro ng non-governmental organizations at sibilyan ang tumakbo bilang pakikiisa sa kauna-unahang Chief PNP Run sa Quirino Grandstand kahapon ng umaga.

Inorganisa ito ng Philippine National Police upang ipanawagan sa ating mga kababayan na suportahan ang Recovery and Wellness Program ng pamahalaan para sa mga sumuko sa oplan tokhang.

Noong nakaraang taon, higit isang daang libong drug surrenderers na ang sumailalim sa Recovery and Wellness Program ng PNP. Nakapaloob din sa event ang “Pulis Natin Grand Caravan”.

Dito inilapit ng PNP sa publiko ang kanilang mga serbisyo tulad ng pagpoproseso ng lisensya ng mga baril, pagtanggap ng cybercrime complaints, Highway Patrol related concerns at marami pang iba.

Ngayong taon, inaasahang sasailalim sa Recovery and Wellness Program ang panibagong batch ng mga tokhang surrenderers sa buong bansa na tatagal ng tatlumpu hanggang apatnapu’t-limang araw.

Samantala, kasabay nito ay nasa isandaan at limampung PNP personnel na sumabak sa 23-kilometer fun bike race sa Nueva Ecija.

Target nitong mahikayat ang mga kabataan sa lalawigan na tumulong sa kampanya kontra iligal na droga at makaiwas sa mga masasamang bisyo.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,