METRO MANILA –
Umapela ang Malacañang sa mga kandidato at publiko kaugnay ng opisyal na pag-uumpisa ng local election campaign period ngayong araw (March 25).
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Presidential Communication Secretary Martin Andanar, dapat estrikto pa ring sundin ang health at safety protocols gayundin ang mga panuntunang itinakda ng Commission on Elections (Comelec) sa pagsasagawa ng political activities kabilang na ang campaign rallies at in-person campaigning.
Gayundin ayon sa palace official, tuloy-tuloy pa rin ang COVID-19 vaccination drive ng pamahalaan at kumpyansang maaabot ang target na 90 million fully vaccinated Filipinos bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Commission on Elections at National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa napaulat na umano’y seryosong data breach ng Smartmatic, ang voting system supplier ng Comelec.
Kasabay nito, inatasan na ng DICT ang National Privacy Commission na suriin ang alegasyon at papanagutin kung mapatunayang may paglabag nga sa privacy o personal data.
Sa pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation sa pangunguna ni Senator Imee Marcos, nahayag na may contractual employee umano ng Smartmatic na nag-download ng confidential digital data at nagbigay ng remote access sa isang partikular na grupo.
May ginagawa nang aksyon ang Comelec kaugnay ng isyu samantalang kasalukuyang nagsasagawa na ng pagsisiyasat ang NBI.
(Rosalie Coz | UNTV News)