Pagsulong sa renewable energy, maaaring solusyon sa pagbabawas ng carbon emission ayon kay Senator Escudero

by Radyo La Verdad | December 1, 2015 (Tuesday) | 4531

MERYLL_SEN.ESCUDERO
Iminungkahi ni Sen.Francis “Chiz” Escudero sa gobyerno na bigyan ng insentibo ang mga developer ng renewable energy para mahikayat silang mamuhunan sa mga lugar na wala pang kuryente at nang matulungan din ang bansa na labanan ang climate change.

Ginawa ni Escudero ang panukala sa gitna ng pangako ng Pilipinas na lumahok sa pandaigdigang pagsisikap na bawasan ang carbon emission sa mundo sa ika-21 Conference of Parties (COP21) sa UN Framework Convention on Climate Change sa Paris.

Pinamumunuan ng Pilipinas ang Climate Vulnerable Forum na kinabibilangan ng 20 bansa na lubhang apektado ng climate change.

Sa pagtataya ng Department of Energy (DOE), nangangailangan ang Pilipinas ng karagdagang 11,400 megawatts para matustusan ang pangangailangan sa kuryente mula 2016 hanggang 2030.

Ang Pilipinas ay panlima sa pinakamataas na singil ng kuryente sa mundo, ayon sa International Energy Agency.

Noong 2011, ang ordinaryong kabahayan sa bansa ay sinisingil ng $.2460 kada kilowatt bawat oras, mas mababa lang ito ng kaunti sa singil sa Denmark na $.3563 na itinuturing na may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong mundo.(Meryll Lopez/UNTV Radio Correspondent)

Tags: , ,