Pagsisimula ng tide embankment project sa Tacloban city, posibleng maantala dahil sa ‘di pa natatapos na relocation sa mga residente

by Radyo La Verdad | October 27, 2015 (Tuesday) | 2142

JENELYN_TACLOBAN
Posibleng maantala ang pagsisimula ang tide embankment project o pagtatayo ng istruktura na pipigil sa storm surge sa coastal areas ng Tacloban city hanggang Tanauan, Leyte sa tuwing masama ang lagay ng panahon.

Paliwanag ng Department of Public Works and Highways, hindi nila maaaring simulan ang proyekto hangga’t hindi natatapos ang relokasyon sa mga residente na maaapektuhan nito.

Ayon sa DPWH, aabot sa 27.3 kilometers ang proyekto na hinati sa anim na sections sa Tacloban, Palo at Tanauan.

At dahil hindi pa tapos ang pagtatayo ng permanent shelters pati na ang relokasyon sa mga residente sa tacloban, hindi muna uumpisahan ng DPWH ang proyekto upang huwag malagay sa alanganin ang mga pamilyang nakatira pa rin sa danger zones.

Sa unang bahagi na rin ng 2016 masisimulan ang konstruksyon sa tide embankment dahil nasa bidding process pa lang naman ito sa ngayon.

Sa pagtaya ng DPWH, tatagal hanggang sa taong 2020 ang konstruksyon sa proyekto na popondohan ng 7.9 billion pesos.

Sa plano ng DPWH, lalagyan ng hagdan at flat gates ang tide embankment upang maaaring ipasok ng mga mangingisda ang kanilang mga bangka mula sa dalampasigan.

Tiniyak rin ng DPWH na hindi masisira ang nakatanim na mangroves na isa rin sa pananggalang laban sa storm surge.

Sa kanilang assessment, lumalabas na mas malaki ang magugugol na pondo sa area ng Tacloban dahil 4.5 meters ang gagawing embankment rito habang 2.5 to 3.5 meters naman sa Palo at Tanauan.

Kapag natapos ang proyekto, maaari itong magamit hanggang limampung taon at puwede ring gawing tourist attraction.(Jenelyn Gaquit/UNTV Correspondent)

Tags: , , ,