METRO MANILA – Opisyal nang nagsimula ang panahon ng tag-init sa bansa batay sa bagong anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ibig sabihin nito, mawawala na ang northeast moonsoon o ang hanging amihan na nagdudulot ng mga pag-ulan.
Batay sa intitial pagtaya ng pagasa, maaaring umabot sa 35 hanggang 36 degrees Celsius ang init na mararamdaman sa bansa. Ngunit oobserbahan pa nila ang magiging lagay ng panahon dahil pwedeng makaranas ng mas mataas na temperatura ang ibang lugar.
Nagpaalala naman ang weather bureau sa publiko na magbaon ng mga pananggalang sa matinding sikat ng araw upang hindi magkasakit sa balat.
Pinapayuhan din ang mga residente sa Metro Manila na magtipid ng tubig dahil posible nang kapusin ang suplay kung patuloy na bababa ang lebel ng tubig sa angat dam.
Samantala, lumagda sa isang kasunduan ang Department of Science and Technology (DOST) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para paigtingin pa ang disaster preparedness sa bansa.
Magtutulungan ang 2 ahensya para magsagawa ng mga seminar at convention sa barangay level para mapaghandaan ang posibleng pagtama ng mga sakuna.
Umaasa naman ang DILG na makakatulong nila ang mga barangay officials and employees sa proyektong ito.
Nagbabala din ang ahensya sa LGU officials na mananagot sakaling hindi sila agad tumugon kapag may sakuna sa kanilang nasasakupan.
(JP Nuñez | UNTV News)