Pagsisimula ng F2F classes, itutuloy pa rin maging sa mga lugar na tinamaan ng lindol

by Radyo La Verdad | August 1, 2022 (Monday) | 748

METRO MANILA – Magpapatuloy ang pagsisimula ng face-to-face classes sa August 22 maging sa mga napektuhan ng magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon nitong July 27.

Ito ay matapos ang isinagawang pagsusuri ng Department of Education (DepEd) sa kapasidad ng mga paaralang tinamaan ng lindol sa muling pagbubukas ng klase.

Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, ang pagbubukas ng mga klase ay para sa August 22 lamang dahil 451 classroom ang naapektuhan ng lindol sa Luzon at magsisimula naman ang full in-person classes sa November 2.

Ipinahayag ni Vice President and Education Secretary Sara Duterte, nangangailangan ang DepEd ng P1.4 -B halaga para sa recovery and reconstruction fund ng paaralan.

Dagdag naman ni Poa, na hindi pa pinal ang halaga at plano ng ahensya na magdagdag sa hinihinging pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).

Ikinukonsidera rin ng DepEd na magtayo ng “temporary learning spaces” sa mga matinding napinsala ng lindol sa Abra at sa mga apektadong lugar at maglalalaan ng P4-B halaga ng Quick Response Fund para sa mabilisang recovery at reconstruction tuwing magkakaroon ng kalamidad.

(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)

Tags: ,