Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong weekend na naisara na ni Sen. Antonio Trillanes ang umano’y bank account nito sa DBS Bank bago pa man siya pumunta sa Singapore noong September 19.
Ayon sa Pangulo, tinerminate ng senador ang naturang account on line ilang araw bago nito lagdaan ang waiver.
Ngunit batay sa twitter accountr ng DBS Alexandria, hindi maaring isara on line ang isang bank account. Kailangan aniyang magpunta ang depositor sa banko upang personal na isagawa ito.
Nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na kinakailangang beripikahin ang pahayag na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi naman ni Sen. Trillanes na pawang bogus ang mga inilalabas na impormasyon ni Pangulong Duterte kaugnay ng kanyang umano’y tagong bank account.
Aniya, sa isang swindler na nagpakilala umanong federal agent galing ang mga sinasabing ebidensya ng Pangulo laban sa kanya.
Sa huli, muling hinamon ng senador ang Pangulo na pumirma ng waiver upang pabuksan na rin ang sinasabing bank accounts nito na sinasabing naglalaman ng malaking halaga.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )