Pagsasara ng ekonomiya, magdudulot ng pinsala – Pang. Duterte

by Erika Endraca | March 23, 2021 (Tuesday) | 3333

METRO MANILA – Ipinaliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte Kagabi (March 22) kung bakit hindi nagpatupad ang pamahalaan ng malawakang lockdown sa gitna ng nakababahalang Covid surge sa bansa.

Ayon sa punong ehekutibo, pinsala ang idudulot ng muling pagsasara ng ekonomiya.

“So kung sarahan mo naman ‘yan lahat– medyo tagilid na ang ekonomiya, that’s a problem. It would be a disaster for our country. Kung sarahan mo talaga lahat. It would be a disaster for the country” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ng pangulo ang pahayag matapos nitong aprubahan ang National Capital Region plus bubble kung saan inilagay sa mas mahigpit na General Community Quarantine ang Metro Manila at 4 na kalapit lalawigan partikular na ang Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan mula March 22 hanggang April 4.

Iginiit ng pangulo na kailangang balansehin ang sitwasyon sa pamamagitan ng limitasyon sa paggalaw ng mga tao.

“Not so many are being affected, hindi afflicted in the sense that your movements are being curtailed. The curtailment of your free to travel is always subject to the power of the state to control the movement of its citizens especially if there is pandemic. The state has that kind of power, although hindi yan sa martial law, it’s just putting you at the right places at the right time at this time,” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Bawal ang non-essential travel papunta at palabas ng NCR plus bubble.

Authorized persons outside residence lang ang maaaring pumasok at lumabas.

Bukod sa travel restrictions, bawal din ang gatherings kabilang na ang religious gatherings.

Outdoor dining lang din ang pinapayagan sa mga restaurant ngunit hanggang 50% capacity lamang.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: