Pagsasampa ng mga kaso laban kay Faeldon at iba pang opisyal ng BOC, pormal nang inirekomenda ng Kamara

by Radyo La Verdad | August 31, 2017 (Thursday) | 2319

Inilabas na ng House Commitee on Dangerous Drugs ang kanilang committee report kaugnay ng isinagawang imbestigasyon ng paglusot sa Bureau of Customs ng mahigit anim na bilyong pisong halaga ng iligal na droga.

Dito pormal na inirekomenda ng komite na sampahan ng kasong kriminal at administratibo si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at iba pang opisyal ng BOC.

Una nang sinabi ni Committee Chairman Ace Barbers na nakakita sila ng mga pagkakamali sa proseso ng kawanihan tulad ng hindi pakikipag-ugnayan ng BOC sa PDEA nang makumpiska ang mahigit 600-kilo ng shabu mula sa China. Gayundin ang alegasyong pangtanggap ni Faeldon at ilang opisyal ng tara o suhol.

Kasama naman sa inirekomenda ng komite na makasuhan ang mga customs broker na umaming nagbibigay sila ng tara o suhol para mabilis na mailabas ang mga kargamento sa BOC.

 

(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,