Nagtataka si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile kung bakit sa panahon ng eleksyon naglabasan ang kaliwa’t-kanang kaso ng mga kandidatong hindi kaalyado ng administrasyon.
Reaksiyon ito ni Enrile sa plunder charges laban kay Senador Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at kasong graft naman kay Senador Joseph Victor Ejercito na pawang mga oposisyon.
Naniniwala si Enrile na ito ay dahil sa pagkandidato ni Marcos bilang pangalawang pangulo.
Nagtataka rin si Enrile kung bakit ang ibang mambabatas na kaalyado ng administrasyon na may ireguliridad sa paggamit ng pork barrel ay hindi kinakasuhan.
Ayon naman kay Marcos.
“Siguro galing sa Pangulo pa yan dahil ang Pangulo ang nagunguna sa pagbabatikos sa akin kaya’t hindi siguro magtataka kung lumabas na dyan galing yan pero eh hindi kami magkasama, hindi kami magka-alyado kaya’t we can expect na sa darating na ilang Linggo baka dumami pa yan.”
Sagot rito ng Palasyo ng Malacanang, walang partisipasyon ang pamahalaan sa mga kinahaharap ni Senador Marcos.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma walang kinalaman ang Pangulo sa plunder case na isinampa kay Marcos ng anti corruption group.
Aniya, maiging harapin na lamang ng Senador sa proper forum.
(Bryan de Paz/UNTV NEWS)
Tags: anti corruption group, Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma, Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile