Nagkasundo na ang lahat ng mga airline companies na isama na sa binabayarang airplane ticket ng mga pasaherong lalabas ng bansa ang terminal fee.
Ito’y matapos makapag pulong ang mga opisyal ng Department of Tourism kasama ang Civil Aviation Authority of the Philippines at mga airline companies.
Sa naturang plano, ang domestic passenger service charge na mas kilala sa terminal fee ay kokolektahin na ng mga airline company bilang bahagi sa binabayarang plane ticket.
Nilinaw ng DOT na ito ay alinsunod sa kahilingan ng pangulo na mapabilis at mapaigsi ang proseso ng mga papeles, dokumento at mga bayarin sa mga opisina ng pamahalaan.
Sa pagkakataon na ito ay nakipagtulungan ang DOT sa pribadong sektor upang mas mapabilis ang proseso.
Kailangan rin na sumangayon ang CAAP at mga local airline carrier sa memorandum of agreement na gagawin ng DOT.
Kabilang sa mga local carrier ang Philippine Airlines, Cebu Pacific, Sea Air, Sky Jet, Air Juan at Air Asia.
Mayroong walumput isang paliparan sa buong bansa na nasa ilalim ng pamamahala ng CAAP at ilan dito ay integrated na ang terminal fee sa plane ticket.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)
Tags: Pagsasama ng terminal fee sa airplane ticket, planong ipatupad ng DOT