Para kay Kabayan party-list Rep. Ron Salo, mas kapani-paniwala na gamitin ang hair sample para makumpirma kung gumagamit ng droga ang isang tao.
Bunsod ito ng ipinahayag ng Department of Education (DepEd) na magsasagawa sila ng random drug test sa ilang mga pampublikong paaralan sa elementarya at high school.
Ayon kay Salo, base sa pag-aaral ng the National Center for Biotechnology Information sa hair sample maaari pa rin umanong ma-detect kung gumagamit ng droga sa nakalipas na tatlong buwan.
Sa ngayon urine sample ang ginagamit ng DepEd sa pagsasagawa ng random drug test.
Una nang sinabi ni Secretary Leonor Briones, kapag may nagpopositibo sa drug test, isinasailalim nila ito sa confirmatory test at counselling.
Ayon naman kay CHR Spokesperson Atty. Jacquiline de Guia, hindi dapat maisasapubliko ang pangalan ng mga batang magpopositibo sa drug test.
Kapag nagpositibo, hindi sila dapat kasuhan kundi isasailalim sa rehabilitasyon.
Ang Quezon City government sisimulan ang random drug test sa mga paaralan sa lungsod matapos itong magpasa ng isang ordinansa.
( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )
Tags: DepEd, hair sample, Rep. Ron Salo