Pagsasagawa ng special session ng Kongreso para maipasa ang 2019 proposed national budget, irerekomenda ng economic managers

by Radyo La Verdad | December 12, 2018 (Wednesday) | 8568

Malaki ang epekto ng pagkakaroon ng reenacted budget sa ekonomiya ng bansa ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno.

kung hindi maipapasa ng Kongreso ang 2019 proposed national budget bago matapos ang taon, awtomatikong reenacted ang budget sa susunod na taon.

Mangangahulugan ito na walang pondo ang mga bagong programa na gagawin sa taong 2019 at apektado ang serbisyo ng gobyerno para sa mga mamamayan.

Kaya ayon sa opisyal, irerekomenda ng economic managers kay Pangulong Duterte na magkaroon ng special session ang Kongreso para maipasa ang 3.757 trilyong pisong 2019 proposed national budget.

Ilan sa magiging epekto ng reenacted budget ay ang pagbaba ng disbursements ng pamahalaan ng 220 bilyong piso sa 2019, makakaapekto ito sa ibibigay na serbisyo sa publiko ng gobyerno maging sa gross domestic product (GDP) ng bansa .

Tinataya ring 600 libong trabaho ang mawawala at nasa 200 hanggang 400 na daang libong mamamayan ang masasadlak sa karalitaan dahil sa pagbaba ng pambansang pondo.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kung ganito ang rekomendasyon ng mga economic manager, posibleng mahikayat si Pangulong Duterte na magsumite ng request sa Kongreso para magsagawa ng special session.

Samantala, iginiit din ni Diokno na ang Kongreso ang dapat na sisihin sa pagkabinbin ng panukalang pambansang pondo.

Ayon naman kay House Speaker Gloria Arroyo, maipapasa rin ang proposed budget bagaman bahagya itong maantala.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,