METRO MANILA – Hinihintay na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipi-presentang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Education (DepEd) para sa planong pagsasagawa ng limited face-to-face classes ngayong Setyembre.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nais munang makita ng pangulo ang ilalatag na plano ng mga ito bago mag-desisyon na payagan na ang physical learning ng mga estudyante.
Bukod sa rekomendasyon ng IATF at ng DepEd, kasama rin sa ikukonsidera ng pangulo, ang estado ng ekonomiya at vaccination, at kung papayagan ito ng mga lokal na pamahalaan.
“Ang sabi po ni presidente, baka iconsider na nya ang pilot at least kapag marami na ang nabakunahan…meron naman talagang mga lugar na napakatagal nang mgcq so baka pupuwede po sa mga lugar na yun pero hayan po muna natin magkaroon ng kumpiyansa ang ating presidente na hayaan ito dahil ang presidente mismo ay ama at lolo ng mga nagaaral sa mababang paaralan” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Sa susunod na Linggo, inaasahang ilalabas ng DepEd at DOH ang isang joint memorandum circular na naglalaman ng guidelines, requirements at mga polisiya hinggil sa planong pagbubukas ng limited face to face classes.
Plano ng DepEd na umpisahan ang pisikal na klase sa elementary at high school sa darating na pasukan.
Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, sakaling aprubahan ng pangulo, nasa isandaang paaralan ang posibleng pagdausan ng pilot testing ng face to face classes. 95 eskwelahan sa elementary schools habang 5 naman sa senior high school.
“It will be confined or concentrated on early grades because that is the advice of the health experts but we were able to ask for the inclusion of some senior high schools with respect to those that are requiring tech-walk.” ani DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan.
Ayon sa DepEd, lilimitahan lamang sa labindalawang estudyante kada-klase ang pahihintulutan sa kinder level.
Habang 16 na magaaral lamang para sa grades 1 2 at 3, at 20 estudyante lamang sa kada klase ang tatanggapin sa senior higschool.
Isa ang Pilipinas sa limang bansa sa buong mundo na hindi pa nagbabalik ng face-to-face classes gaya ng Bangladesh, Kuwait, Saudi Arabia at Venezuela.
Isa rin ang bansa sa mga inabot ng isang taon ang pagsasara ng mga eskwelahan na masyadong matagal kung ikukumpara sa iba pang mga bansa na tumagal lamang ng 79 na araw.
Nangangamba ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) na kung palalawigin pa ang remote learning, ay lumala ang kaso ng mental distress, drop out, at child labor sa mga kabataan.
(Janice Ingente | UNTV News)
Tags: DepEd, Face to Face class