Pagsasagawa ng National Vaccination Days, posibleng itigil na ng pamahalaan – DOH

by Radyo La Verdad | March 16, 2022 (Wednesday) | 7828

METRO MANILA – Tututok na ngayon ang pwersa ng pamahalaan sa mga lugar na may mababang vaccination rate upang maabot ang target population na kailangang bakunahan.

Ayon kay National Vaccine Operations Chair (NVOC) at Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, may ilan sa ating mga kababayan ang ayaw nang magpabakuna dahil bumababa na umano ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

May iba naman ang naniniwala na hindi na nila kailangan pang magpabakuna, habang ang iba na kinatatakutan pa rin ang side effects ng bakuna.

“Dumating talaga tayo sa puntong kailangan nang hanapin at kumbishin na magpabakuna ang ilang. Kasi nagaatubili silang magpabakuna, dahil sa edad daw nila, hindi na nila kailangan. Hindi daw nila kailangan kasi pababa na at wala na iyong mga kaso. Mayroon pa rin fear of side effects.” ani National Vaccine Operations Chair & DOH Undersecretary Myrna Cabotaje.

Samantala pinalawig pa ng DOH hanggang sa March 18 ang Bayanihan Bakunahan 4 sa ilang pang mga rehiyon.

Ito’y dahil nasa 1.4 million doses pa lamang mula sa 1.8 million target ang nababakunahan sa 4th national vaccination days.

Target na mabakunahan ang mga senior citizen sa 5 araw na extension

Ayon sa NVOC may ilang ang hindi na tumuloy sa pagpapabakuna noong nakaraang linggo dahil sa naranasang malalakas na pagulan sa ilang lugar.

Sa kabila ng mga hamon, nanatiling kumpiyansa ang pamahalaan na maabot ang 90% target population sa COVID-19 vaccination bago pa matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo.

Samantala, sinabi rin ni Usec Cabotaje na handa na National Capital Region sa pagdedeklara ng Alert Level 0 dahil higit 100% na ang vaccination coverage sa NCR.

Gayunman kinakailangan pa rin anilang pataasin ang bilang ng mga nababakunahan ng booster dose bago tuluyang luwagan ang alert level.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: ,