Ilang linggo nang huli ang mababang kapulungan ng kongreso sa deliberasyon sa panukalang Bangsamoro Basic Law.
Ilang beses palang nagkaroon ng quorum, dahil madalas na kakaunti ang mga mambabatas na dumadalo sa sesyon.
Ayon kay Magdalo Party List Rep. Gary Alejano, isang dating sundalo, gahol nasa panahon upang matalakay ng maayos ang mga probisyon ng BBL.
Kaya mas makabubuting ipaubaya na lamang ang pagsasabatas nito sa susunod na administrasyon.
Nangangamba ito na kung pipiliting ipasa ang BBL, hindi nito masusulusyunan ang layunin ng panukalang batas.
Sinabi pa nito na kailangang magkaroon ng panibagong usapang pangkapayapaan at simulang muli ang kasunduan.
Ayon kay Alejano kabilang sa mga isyung hindi pa nareresolba ay ang tunay na relasyon ng MILF sa BIFF.
Ang kompirmasyon sa umano’y pagawaan ng baril ng mga rebeldeng grupo na hanggang ngayon ay hindi mapasok ng AFP.
At ang pagbibigay ng malinaw na sagot at hustisya sa pagkamatay ng SAF 44 sa Mamasapano Maguindao.
Hindi naman sangayon dito si Ad Hoc Committee on the Bangsamoro Rufus Rodriguez
Ayon sa kanya malayo na ang kanilang narating at malapit na nilang maipasa ito.
Kumpiyansa ang mambabatas na kailangan lamang ay mahikayat ang mga kongresista na dumalo sa sesyon upang matapos na ang Period of Interpellation at masimulan na ang Period of Amendments.
Maging si Government Peace Panel Chairman Professor Miriam Coronel-Ferrer ay nagsabing nasa kamay na ng mga kongresista ang pasya kung kanilang isasabatas ang BBL.
Aniya mas makabubuti kung nakapwesto na ang implementasyon ng BBL sa susunod na administrasyon.(Grace Casin/ UNTV News)
Tags: Government Peace Panel Chairman Professor Miriam Coronel-Ferrer, Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano