Pagsasabatas sa Coco Industry Development, malalagdaan ng Pangulo bago matapos ang buwan

by Radyo La Verdad | August 10, 2018 (Friday) | 2124

Malaking suliranin ngayon ng mga magsasaka ng niyog sa Southern Leyte ang unti-unting pagkamatay ng kanilang mga pananim dahil sa sari-saring sakit.

Isa lamang sa kanila si Aling Herminia, aniya, dalawampung puno na ang nalalagas sa dating isang daang puno nila ng niyog.

Malaking pahirap umano ito sa kanila dahil ito lamang ang pinagkukunan nila sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.

Aniya, marami na sa kanilang mga kakilala ang namasukan nalamang bilang katulong sa bahay at construction workers dahil wala nang maani sa kanilang mga pananim na niyog.

Bunsod nito, nanawagan silang matulungan ang mga magsasaka ng niyog sa lalawigan upang kahit papaano ay mayroon silang mapagkunan ng panggastos sa pang-araw-araw at lalo na umano sa pagaaral ng kanilang mga anak.

Ayon kay Senate Committee on Agriculture and Food Chairperson, Senator Cynthia Villar bago posibleng bago matapos ang buwan ng Agosto ay malagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Coco Industry Development Law na makakatulong sa pagpapalago ng industriya ng pagniniyog.

Aniya, labinlimang bilyong piso ang magiging pondo nito taun-taon na kukunin sa 105 billion coco levy fund na yearly ay magrerelease umano ng 5 bilyon at 10 bilyong piso naman mula sa general appropriations.

Dagdag pa ng senadora, 30% dito ay mapupunta sa shared facilities program, 30% para sa farm improvements, 15% sa scholarship ng mga anak ng mga coconut farmers, 15% sa empowerment ng mga kooperatiba, at 10% ay para sa kalusugan ng mga magsasaka.

 

( Archyl Egano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,