1.474 billion peso-budget ang hiniling ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) para sa 2019, mas mataas ito ng 2.75% o mahigit 39 milyong piso sa 2018 budget nito.
Sa pagdinig kahapon ng House panel sa budget ng PCOO, isa mga naging sentro ng usapin ay si PCOO Assistant Secretary Mocha Uson.
Hindi nakadalo sa budget hearing si Asec. Uson dahil kasalukuyan itong nasa Jordan bilang bahagi ng delegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kasagsagan ng budget briefing sa Kamara, kinuwestyon ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ang pagsama ni Uson sa halos lahat ng biyahe ng Pangulo.
Sa panayam kay Asec. Mocha, sa programang Get it Straight with Daniel Razon noong nakaraang taon, ipinaliwag nito kung bakit siya kasama sa mga biyahe ng Pangulo.
Aniya, trabaho niya na maglagay ng impormasyon sa kaniyang blog ukol sa mga sitwasyon ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa mga lugar na pinupuntahan nila ng Pangulo, at upang matugunan ng pamahalaan ang kanilang mga hinaing.
Samantala, naungkat din sa pagdinig ang kontrobersyal na federalism campaign video ni Uson at ng blogger na si Drew Olivar. Dito tiniyak ng PCOO na hindi nila ipinagsawalang bahala ang isyu.
Kinumpirma nito na binigyan nila ng memo si Uson bilang pagpapaalala na dapat ay maging maingat ito sa kanyang mga ginagawa.
Ayon naman kay PCOO Usec. Marvit Gatpayat, pinagpaliwanag din nila si Asec. Uson matapos makatanggap ng reklamo sa national public service hotline 888.
Nagsagawa rin sila ng fact-finding investigation at ito ay kanilang sinumite sa office of the executive secretary.
Sa panayam naman ni Kuya Daniel Razon kay Asec. Mocha nito lamang Agosto, una nang sinabi ng opisyal na susunod ito sa opisyal na ibababa ng otoridad pagdating sa kampanya sa pederalismo.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: Asec. Mocha Uson, Get it Straight with Daniel Razon, PCOO budget hearing