Pagsalubong sa pagpapalit ng taon, mapayapa ayon sa PNP

by Radyo La Verdad | January 2, 2023 (Monday) | 19779

METRO MANILA – Walang malaking insidenteng naitala ang Philippine National Police sa pagsalubong ng pagpapalit ng taon sa buong bansa simula December 31, 2022 – January 1, 2023.

Sa inilabas na pahayag ni PNP Public Information Office Chief PCol. Red Maranan, isa lamang ang naitala nilang nabiktima ng stray bullet sa Iloilo. Tinamaan aniya ito sa wrist o pulso ngunit ligtas na sa panganib.

Naaresto naman aniya agad ang suspek. Isa din sa naaresto ay miyembro ng Philippine Coastguard dahil sa pagpapaputok ng baril.

Tiniyak ni PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., na masasampahan ng karampatang kaso ang mga suspek.

Sinabi din ni Chief PNP na patuloy ang ginagawa nilang koordinasyon sa Department of Health (DOH) para makakuha ng datos sa mga naging biktima ng paputok.

Gayunman, nakakumpiska aniya ang PNP ng nasa P853,483 halaga ng ilegal na paputok simula Dec. 16-31, 2022 kung saan 23 ang naaresto.

Kaugnay nito, nagpapasalamat naman ang PNP sa ginawang kooperasyon ng publiko para sa pagkakaroon ng payapang pagpapalit ng taon.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,