Pagsakay sa MRT ni Presidential Spokesperson Harry Roque, umani ng batikos mula sa netizens

by Radyo La Verdad | November 24, 2017 (Friday) | 3487

Inulan ng sari-saring pambabatikos ng mga netizen ang ginawang pagsakay sa MRT kahapon ni Presidential Spokesperson Attorney Harry Roque.

Tulad ng isang ordinaryong pasahero, sinubukan ding  pumila ni Roque simula sa MRT North Avenue station dakong alas nueve ng umaga kanina, bumaba sa Taft station sa Pasay at saka lumipat ng LRT.

Sa official facebook page ng Office of the Presidential Spokesperson, kung saan ipinakita ang aktwal na pagsakay ni Roque sa MRT at LRT, bumuhos ang iba’t-ibang negatibong komento mula sa publiko.

Marami ang nagsabi na tila napaaga ang pangangampanya ni Roque para sa 2019 midterm elections. Habang tinawag naman itong trapo ng ilan habang may ilan na nagdududa sa kanyang tunay na motibo.

Base sa naging assesment ni Roque, kinakailangangan maibalik na muli sa 20 ang tumatakbong mga tren upang maiwasan na aniya ang mahabang pila at hindi na mahirapan pa ang mga pasahero.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,